PILIPINAS

Sa panulat ni: Mia Palencia

Pilipinas, o’ bayang makasaysayan,
kapuluang lumitaw sa dakong Silangan;
likas ang biyayang bigay ng Maykapal,
masdan mong mainam ang bayan kong mahal.

Inang Kalikasan niring bayang marikit,
agrikultura’t turismo’y totoong kaakit-akit;
nararapat lamang pagyamanin, mahalin;
darating ang panahon, iyo ring aanihin.

Lagaslas ng tubig sa mga ilog at sapa,
awit ng mga ibon, sayaw ng ulang sagana;
dumidilig sa makukulay na mga bulaklak,
upang lumago’t magsaboy ng halimuyak.

Isa-isahin mo ang mga biyaya ng Maylikha,
sa halip na pasalamatan, iyo pang sinisira;
kaibigan, baguhin ang takbo ng buhay,
hindi natin ikauunlad ang yamang nilulustay.

Pawang panaginip na lamang ang lahat,
sinaunang kapaligira’y isa na lamang alamat;
subukan mo kayang buhayin ang Pilipinas,
unahin mo sa mga punong sinayang mo’t winaldas.

Iahon mong muli ang bayang kay ganda,
puhunanan mo ngayon, tiyak mag-aani ka;
mula sa kabundukan, kaparangan, karagatan,
magandang kinabukasan iyo rin namang makakamtan.

Nasain mo rin naman mga bagay na ikalalago,
dili iyong mga pintakasing ikinasisira ng bansang sinilangan mo;
huwag nawang makuntento sa pagsabay sa bawat hampas ng alon,
o sa mga dahong lagas, sa ihip lamang ng hangin umaayon.

Ang Perlas ng Silangan, mumunti man ngang maituturing,
subalit hindi maitatatwa ang kultura nitong anong ningning;
lubhang sagana sa mga yamang mineral at mga pananim;
sa munti nitong lupain kay lalawak ng mga kapataga’t bukirin.

Suriin mo ngayon at pag-aralan, pilosopiya ni Inang Kalikasan,
gamitin mong husto at wasto ang biyayang karunungan;
upang kapaligiran’y umunlad at hindi mapabayaang tuluyan,
kung ito’y masira man, iyong pakatandaang sa’yo rin ang kawalan.

Published by mayascrivener

Bicolanang Cam.Norteño | Future Educator | Xanthophile | Astronophile | Selenophile | Bibliophile | Nyctophile | Clinophile | Melophile | Aesthete | TAURUS ♉ From the Gateway of Bicolandia, this is binibining Mia Palencia, who believed in the saying that “Life is like a book and we need to fill its pages to color the universe with our own tiny little stories.”

Leave a comment

Design a site like this with WordPress.com
Get started